Hinimok ni Senator Grace Poe ang Department of Transportation (DOTr) na suspendihin muna ang implementasyon ng PUV modernization program sa gitna na rin ng napaulat na katiwalian sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Kaugnay na rin ito ng pagsuspindi ni Pangulong Bongbong Marcos kay LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III dahil sa umano’y lagayan scheme sa pagbibigay ng prangkisa sa mga PUVs at iba pang transaksyon sa tanggapan.
Ayon kay Poe, chairman ng Senate Committee on Public Services, ipatigil muna ng DOTr ang pagpapatupad ng PUV modernization program hanggang sa maresolba na ang lahat ng mga isyu sa LTFRB.
Giit ni Poe, gusto naman nilang i-modernize ang PUV pero ito ay dapat na progresibo, nararapat at makatao.
Aniya pa, sakaling totoo ang alegasyon ay hindi ito makatarungan sa mga drivers na nawalan ng kabuhayan dahil sa pagpabor sa mga naglalagay.
Dapat aniyang mapanagot ang mga nasasangkot sa hindi maingat na pagpapatupad ng critical na programa.
Umaasa naman ang mambabatas na habang iniimbestigahan ang mga sangkot ay sabayan din ito ng pagsasaayos sa modernization program upang mapabuti ang kabuhayan ng mga driver at mabigyan ng maayos na serbisyo ang mga commuter.