Manila, Philippines – Naniniwala ang gobyerno na patuloy pang humihina ang puwersa ng maute terror group sa Marawi City kahit hindi pa tuluyang nababawi sa kabuuan ang lunsod.
Ayon kay Lt. Col. Jo-Ar Herrera, spokesman ng joint task force Marawi — karagdagang 85 gusali ang na-clear na at umaasa rin silang marami pang susunod sa pag-abanse ng tropa ng pamahalaan.
Aniya, nadagdagan din ang narerekober at nakokontrol nilang strategic vantage points mula sa mga terorista at humihina na rin ang resistance ng kalaban.
Samantala, hadlang pa rin sa pagbawi sa 96 barangays ang patuloy na paggamit ng mga terorista ng sniper, IEDs at rpgs kaya maingat ang ginagawang clearing operations ng militar.
Malaking sagabal din aniya ang paggamit ng mga terorista sa mga non-combatant civilians at pagtatago o pagposisyon sa mga mosque.
Sa latest report ng joint task force Marawi, nasa 27 na ang napatay na sibilyan; 290 terorista ang napatay ng militar kung saan nabawi ang nasa 347 armas; nasa 70 naman ang namatay sa government forces habang kabuuang 1,702 sibilyan ang nailigtas ng government troops, Local Government Unit at civil society organization.