Manila, Philippines – Pinanumpa na sa puwesto ni Manila Mayor Joseph Estrada ang isang kagawad ng Barangay bilang kahalili nang napaslang na si Barangay Chairman Arnel Parce, ng Barangay 20, Zone 2 ng Tondo, Maynila.
Naniniwala ang alkalde na gagampanin ng kanyang itinalagang si Kagawad Bryan Mondejar ang naiwang obligasyon sa Barangay ng napatay na si dating chairman Parce na binaril at napatay nang hindi nakilalang salarin noong nakaraang buwan.
Paliwanag ni Estrada, habang hinihintay ang paggawad ng hustisya laban sa mga suspek na pumatay sa Barangay Chairman ay kailangang tiyakin sa 42 libo na kataong nasasakupan ni Parce na mayroong bago at may kakayanang lider na kapalit.
Si Parce ay pinaslang ng isang suspek na nakaangkas sa motorsiklo noong Oktubre 11 habang nakikipag-usap sa tatlong katao sa San Roque St. sa kanilang lugar.
Sa ilalim ng Section 44 ng Local Government Code, sa sandaling magkaroon ng pagkabakante sa puwesto sa tanggapan ng Punong Barangay, ang nangungunang kagawad ang papalit sa nabakanteng posisyon upang ituloy ang naantaang termino nang nawala o natanggal na Punong Barangay.