Iginiit ng Philippine Veterans Affairs Office (PVAO) na wala silang “ghost pensioners”.
Ito ay matapos ilabas ng Commission on Audit (COA) ang report na ang PVAO ay patuloy na nagbabayad ng 70 million pesos na halaga ng monthly pensions sa mga retiradong sundalo na patay na.
5,721 o 84.5% mula sa 6,768 na total reported deaths para sa taong 2018 ay patuloy na tumatanggap ng kanilang regular na buwanang pensyon.
Ayon kay PVAO Administrator Undersecretary Ernesto G. Carolina – walang pondong nawawala sa kanilang pensioner’s fund.
Pagtitiyak pa ni Carolina – mayroon silang full proof validation system upang marekober ang higit sa kalahati ng 70 million pesos mula sa remittances.
Dagdag pa niya, dati ang pensyon ay ipinamamahagi sa pamamagitan ng tseke, na magiging imposible sa PVAO na bawiin ang pera kung ang pensioner ay patay na.
Ang pension ay ipinamamahagi na sa pamamagitan ng anim na accredited na bangko at tatlong financial institutions na kinakailangan silang mag-report kada anim na buwan.
Ang mga pensyonado ay kailangang magsumite ng proof na sila ay buhay sa pamamagitan ng pagpapadala ng update form na naglalaman ng kanilang litrato kasama ang isang diyaryo na inisyu sa araw na iyon.
Katuwang din ng PVAO ang Philippine Statistics Authority (PSA), Philippine Postal Corporation (PHLPost) at Veterans Federation of the Philippines (VFP) para i-check ang status ng bawat pensioner.