Cauayan City, Isabela- Inireklamo ng ilang mga residente ang umano’y buhol-buhol na tubo ng tubig na pinangangasiwaan ng Cauayan City Water District partikular sa Purok 7D, District 1, Cauayan City, Isabela.
Ayon sa mga nakausap ng iFM news team, apat (4) na taon ng nakakalipas ng idulog ng mga residente ang problema sa tubo ng tubig subalit wala pa umanong nagiging aksyon ang nasabing pamunuan.
Hinaing ng mga residente ang mataas rin na singil sa konsumo ng tubig kahit na hindi umano akma ang paggamit ng mga ito sa natatanggap na ‘bill’ mula sa water district.
Sa eksklusibong panayam kay Ginoong Apolinario, isa sa mga nagrereklamong residente, taong 2017 nang ilapit nito sa pamunuan ng water district ang problema subalit wala umano sa kanyang tanggapan si Engr. Aquino.
Aniya, posibleng may tagas ang mga nasabing hose kung kaya’t maaaring sanhi ng mataas na konsumo ng tubig ang kanilang binabayaran.
Pinangakuan umano ni Aquino na pagkatapos kumpunihin ang ilang tubo sa Barangay Culalabat ay isusunod ang kanilang barangay subalit hanggang ngayon ay wala pa itong nagiging aksyon.
Samantala, sa hiwalay na panayam kay Water District Unit Manager na si Engr. Freddie Aquino, nangako ito na kaagad nilang tutugunan ang problema ng mga residente kung kaya’t kaagad itong nagpadala ng mga tauhan para suriin ang mismong lugar.
Ayon kay Aquino, restoration ang posibleng gawin sa mga mga pipe ng tubig at pagbabasehan pa rin ang magiging assessment ng kanyang mga tauhan kung ano ang mainam na remedyo sa nasabing reklamo.