Pinasisilip ni ACT CIS Partylist Rep. Eric Go Yap sa Kamara ang paglaganap ng Persons with Disability (PWD) ID for sale.
Sa House Resolution 454 na inihain ni Yap, pinaiimbestigahan nito in aid of legislation ang implementasyon ng PWD Law gayundin ang proseso ng issuance ng PWD IDs.
Ang hiling na pagsisiyasat sa PWD for Sale ay matapos masaksihan ng personal ni Yap ang paggamit ng isang pamilya ng mga PWD IDs na kanyang nakasabay sa isang restaurant.
Bagamat wala siyang makita agad na kapansanan sa mga ito, nagduda si Yap na halos lahat ng myembro ng pamilya ay may PWD IDs.
Dahil dito, sinubukan ni Yap na pakuhain ang isa nitong kaibigan ng PWD ID na nakakuha naman ng walang kahirap-hirap.
Para ma-justify na tama ang kanyang paniniwala na napepeke ang mga PWD IDs ay nagpakuha pa ulit siya sa 15 tao na agad ding nabigyan ng identification cards sa halagang P3,000 bawat isa.
Dahil dito, hiniling ni Yap na siyasatin ito ng Kamara dahil maraming mahihirap na may kapansanan ang hindi nakakakuha ng ID dahil walang perang panlakad para sa mga requirements.
Hinamon din ng kongresista ang mga Alkalde at mga LGUs na silipin ang proseso sa pagkuha sa kanilang PWD IDs.
Pinasusuko din ni Yap sa mga indibidwal ang kanilang kinuha na PWD IDs.