DINALUPIHAN, BATAAN – Suntok, sipa, at sakal ang natamo ng isang lalaking umano’y PWD o person with disability mula sa ilang opisyal ng Barangay Rizal matapos magreklamo na wala siyang nakuhang relief goods.
Kuwento ng biktima, inilahad niya sa social media ang sama ng loob dahil siya lamang daw ang bukod-tanging hindi naambunan ng ayuda sa kanilang lugar.
Ilang minuto raw makalipas niyang mag-post sa Facebook, nagtungo sa bahay niya ang mga kawani at inimbitahan siya sa barangay hall.
Doon na raw naganap ang pambubugbog sa kaniya ng mga tanod at isang kagawad.
Nagdesisyon rin itong mag-Facebook Live para ma-record ang panggugulpi.
(BABALA: SENSITIBONG VIDEO)
Sinabi rin 27-anyos na binata sa mga opisyal na mayroon siyang psychosocial disorder at mabilis daw talagang mainis o magalit.
Pinilit din umano siya ng barangay kapitan na si Jesus Matitu na tanggalin ang kuhang video at mag-public apology sa mga naagrabyadong kawani.
Paliwanag naman ng mga taga-barangay, naubusan daw sila ng mga food pack kaya natagalan ang distribusyon.
Binalikan daw nila ang binata pero nagmumumura na raw ito.
Hindi rin umano alam ni chairman na PWD ang lalaki dahil wala pang dalawang linggo itong nangungupahan sa barangay nila.
Dagdag pa ni Matitu, nagkasundo raw ang dalawang panig na hihingi ng tawad ang biktima at saksi raw mismo ang nanay nito.
Nagsasagawa na ngayon ng imbestigasyon ang pamahalaang-bayan tungkol sa insidente.