PWDs na may mobility impairment, ipinasasama sa house-to-house vaccination na ikakasa ng gobyerno at mga LGU

Inirekomenda ni House Committee on Social Services Chairman at Quezon City Rep. Alfred Vargas sa gobyerno at sa Local Government Unit (LGU) na isama sa house-to-house vaccination program laban sa COVID-19 ang mga Persons with Disabilities (PWD’s) na may mobility impairment.

Tinukoy ni Vargas sa inihaing House Resoluion 1727 na ilang LGUs ang naglunsad na ng house-to-house vaccination para sa mga residenteng bedridden at may comorbidities.

Ayon kay Vargas, dapat lamang na suportahan ito at mas palawakin pa ng national government upang mas maraming kababayan ang makinabang sa COVID-19 vaccine.


Partikular na ipinasasama ng kongresista ang mga kababayang PWD na may mobility impairment o hindi makalakad at hirap makabiyahe o makarating sa ibang lugar.

Ang mga PWD na may mobility impairment ay isa sa mga sektor na humaharap ngayon sa matinding epekto ng pandemya kaya naman marapat lamang na maitaas ang kanilang kumpiyansa at mahimok sa vaccination kabilang sa high-risk communities.

Nakasaad sa resolusyon na ang mga PWD with mobility impairment ay iyong mga hindi na magamit ang kamay at paa o walang motor skills para makapaglabas, makahawak o maitaas ang isang bagay.

Kasama rin sa may mobility impairmentang mga bedridden at iyong mga nakaranas na ng stroke.

Facebook Comments