Pwedeng daanan sa South Super Highway, limitado pa rin

Manila, Philippines – Limitado pa lamang ang maaaring daanan sa South Super Highway sa ngayon.

Isang lane ang bukas sa north bound ng Buendia flyover habang ang Service road sa Osmeña Highway ay sarado pa rin.

Dalawang lanes naman ang bukas sa South bound ng Buendia flyover gayundin ang service road.


Pasado alas nuwebe kaninang umaga nang isara ang naturang kalsada makaraang bumagsak ang steel beam ng ginagawang Skyway stage 3.

Labis naman na humihingi ng dispensa sa mga naabalang motorista ang DM Consunji, Inc. na siyang kontraktor ng proyekto, matapos na magdulot ng mabigat na daloy ng trapiko.

Ayon sa DMCI, ini-imbestigahan na ng kanilang technical personnel ang dahilan ng aksidente.

Tiniyak din ng DMCI na masusi rin nilang inaasikaso ang pangangailangan ng nasaktang construction workers kung saan nagtamo ang mga ito ng galos at minor injuries.

Dalawa ring mga sasakyan ang napinsala pagbagsak ng steel beam sa ginagawang Skyway stage 3 project na kinabibilangan ng isang Toyota Avanza at isang Honda Jazz.

Facebook Comments