Pwersa ng 5ID, Sapat Sakaling Ideklara ang ‘Martial Law’!

Cauayan City, Isabela- Pinaghahandaan ng pamunuan ng 5th Infantry ‘Star’ Division, Philippine Army sakaling magdeklara ng mala-Martial Law ang Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine bilang paglaban sa COVID-19.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay MGen. Pablo Lorenzo, Commanding General ng 5ID, sapat naman ang pwersa ng kasundaluhan na sumasakop sa Lambak ng Cagayan at sa ilang bahagi ng Cordillera kung kinakailangang magpatupad ng mas matindi at striktong implimentasyon ng ECQ.

Bagamat wala pang kumpirmasyon kung ipapatupad ang sinabi ng Pangulo ay mas mainam aniya na asahan at paghandaan ng kanyang pamunuan ang mga posibleng mangyari.


Ayon kay MGen. Lorenzo, nais lang ng Pangulo na madisiplinahan ang mga taong pasaway na hindi tumatalima sa ECQ at layon na maiwasan at mapigilan ang patuloy na pagkalat ng COVID-19 sa bansa.

Gayunman, mas mabigat na aniya itong hamon sa kanilang tungkulin dahil sa dami rin ng kanilang ginagampanan sa lipunan.

Kaugnay nito, nagbigay na ng direktiba si MGen Lorenzo sa kanyang mga yunit na mag-deploy ng tropa sa mga matataong lugar gaya sa palengke o supermarkets upang tumulong sa pagpapatupad ng social distancing at pagsusuot ng face mask.

Facebook Comments