Manila, Philippines – Iginiit ni Senador Loren Legarda sa mga Local Govt. Units o LGUs na hingin ang tulong ng Philippine National Police para sa pwersahang paglilikas sa kanilang mga residente nanakapwesto sa mga lugar na delikado o maaapetkuhan ng kalamidad.
Halimbawa aniya ang mga nakatira sa tabingdagat o tabing ilog, gilid ng bundok o sa mga nakakalbong kagubatan.
Paliwanag ni Legarda, kailangan ng gamitan ng police power ang mga residente na matitigas ang ulo at ayaw lumikas ng kusa sa kanilang mga lugar na dadaanan ng bagyo.
Ayon kay Legarda kadalasang kasama sa mga nasasawi sa mga kalamidad ay ang mga residenteng ayaw iwanan ang kanilang tahanan sa kabila nang babala ng baha o landslide mula sa mga awtoridad.
Kasabay nito ay pinapatiyak din ni Sen. Legarda ang pagkakaroon ng Disaster Risk Reduction o DRR Officer o staff sa bawat purok o barangay na magmominitor sa pagpapatupad sa mga nararapat na hakbang o aksyon sa tuwing may tatamang kalamidad sa bansa.