
Muling haharap si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa United Nations General Assembly (UNGA) upang magbigay ng talumpati sa isang special plenary meeting, kasabay ng patuloy na pangangampanya ng Pilipinas para sa non-permanent seat sa United Nations Security Council (UNSC).
Magaganap ang kaniyang talumpati mamayang hatinggabi ng Martes, oras sa Pilipinas, o tanghali sa New York, kung saan matatagpuan ang United Nations Headquarters.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, ipapakita ng pangulo sa mga miyembrong bansa na handa at may kakayahan ang Pilipinas na gumanap ng mas malaking papel sa pandaigdigang usapin.
Sa Hunyo 3, boboto ang 193 miyembrong bansa ng UN para sa mga bagong non-permanent member ng Security Council.
Sa Asia-Pacific group, makakatapat ng Pilipinas ang Kyrgyzstan para sa naturang pwesto.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), mahalaga ang posisyong ito upang mas mapalakas ang boses ng Pilipinas sa mga usaping pandaigdig, kabilang ang kapakanan ng Overseas Filipino Workers (OFWs), maritime security, at mga isyung may kinalaman sa soberanya at ekonomiya ng bansa.










