Nagpalabas na ng subpoena ang Commission on Elections (COMELEC) kay Quezon City 5th District congressional candidate Rose Lin tungkol sa mga alegasyon ng vote-buying laban sa kanya.
Ayon sa Law Department ng COMELEC, ang subpoena ay may kaugnayan sa paglabag ni Lin at 16 pang indibidwal na diumano ay kasabwat nito, sa Omnibus Election Code tungkol sa pamimili ng boto.
Binigyan ang kampo ni Lin hanggang May 16 upang mag-sumite ng kanyang sagot sa ibinabato sa kanyang 237 counts ng vote buying.
Mayroon pang nakabinbin na vote-buying case si Lin sa Quezon City Prosecutor’s Office, at tatlong kaso ng disqualification na nakasampa na rin sa COMELEC kung saan sa isa ay hinihiling ang kanyang diskwalipikasyon dahil sa kanyang non-residency. Ayon sa formal complaint, lumipat lang si Lin sa Novaliches nitong papalapit na ang eleksyon noong taong 2020.
Bago pa man ang mga nagpatong-patong na kaso ni Lin sa COMELEC, napatawan din siya ng warrant of arrest ng Senado dahil sa pag-tatago at pag-iwas humarap sa mga hearing tungkol sa maanomalyang Pharmally scandal.
May kinakaharap din siyang plunder case sa Ombudsman.
Si Lin ay asawa ni Lin Wei Xiong, ang Financial Manager ng Pharmally Pharmaceutical Corporation.