Hinimok ng Quezon City Health Department (QCHD) ang Food and Drug Administration (FDA) at ang Department of Health (DOH) na magkaroon ng malinaw na posisyon kaugnay sa safety at general use ng anti-parasitic drug na Ivermectin.
Kasunod ito ng ginawang “Community Pan-three” ng dalawang kongresista kung saan ay namahagi sa mga residente ng Matandang Balara ng Ivermectin na pinaniniwalaang gamot sa COVID-19.
Sa inilabas na statement ni QCHD OIC Esperanza Arias, kung mayroong ‘firm position’ ang dalawang ahensya ay makatutulong ito para malaman na ang legality at efficacy ng nasabing gamot.
Ayon pa kay Arias, wala namang ibinigay sa kanilang “go” signal ang FDA para gamitin ang Ivermectin bilang prophylaxis o gamot laban sa COVID-19.
Ito aniya ang dahilan kaya hindi rin nila ito magamit o ma-endorso ang nasabing gamot.
Magkagayunman ay hindi rin mapipigilan ng QCHD ang pamamahagi ng Ivermectin dahil hindi naman idineklarang iligal ang paggamit nito.
Nagpaalala naman ang QCHD sa mga residente na maging alerto dahil ang Ivermectin ay hindi pa napapatunayang epektibong gamot laban sa COVID-19.