Sarado ang Quezon City Jail male dormitory para sa mga pamilya, asawa, anak, kapatid at magulang na dadalaw sa paggunita ng Semana Santa sa mga Person Deprived of Liberty o PDLs.
Ayon kay Jail Supt. Michelle Ng-Bonto, suspendido ang dalaw sa naturang piitan mula pa noong March 2020.
Gayunman, sinabi ni JSupt. Bonto na walang dapat ikabahala o ipag-alala ang mga pamilya ng mga PDLs dahil patuloy ang serbisyong ibinibigay ng BJMP at kumpleto sa mga pangangailangan ang mga ito.
Sa ngayon aniya, ang Semana Santa ay bukod tanging isinasagawa ng nasa 416 kristiyanong PDLs mula sa iba’t ibang pangkat ang Pabasa ng Pasyon na hinati sa 16 na grupo na tatagal ng isang oras at magsasalit-salitan hanggang matapos.
Layon ng aktibidad na magbigay ng kalinga na pang ispiritwal upang makatulong na makapagbigay ng positibong pananaw at pag-asa sa bawat PDL at mapagtibay ang kanilang pananampalataya sa pagsubok na pinagdadaanan ng bawat isa, lalo na ngayong panahon ng Semana Santa.
Ilan pa sa mga aktibidad na inihanda ng pamunuan ng Quezon City Jail ngayong Semana Santa na lalahukan ng mga PDL ay ang tradisyunal na Holy Mass at Washing of the Feet, Station of the Cross at Veneration of the Cross at Easter Sunday of the Lord’s Resurrection.
Bantay sarado ng mga BJMP personnel ang loob at labas ng nasabing piitan bilang seguridad lalo na ngayong idinaraos ang Semana Santa.