QC LGU, handang-handa na sa pagbabalik ng klase ngayong araw

Inihayag ng lokal na pamahalaan ng Quezon City na handa na ang kanilang 158 na pampublikong elementary at highschool para sa pagbabalik ng face-to-face classes ngayong araw.

Batay sa datos ng Schools Division Office (SDO) ng lungsod, nasa 440,821 ang nag-enroll ngayong school year 2022-2023.

Ayon sa SDO, tanging 81 paaralan lamang ang magpapatupad ng limang araw na in-person classes habang ang nalalabing 77 ay magpapatupad ng blending learning modality.


Batay sa Department of Education (DepEd) Order No.34, bibigyan ng hanggang November 2 ang mga paaralang magsasagawa ng blended learning para sa transition papunta sa in-person classes.

Bibisita naman ang mga kawani ng Department of Public Order and Safety sa mga paaralan upang ipaalala sa mga punong guro ang pagpapatupad ng health protocols at pagbawal sa pagbenta at pamamahagi ng maasukal na pagkain batay na rin sa umiiral na City Ordinance na ipinatupad noong 2017.

Samantala, magtatayo naman ng COVID-19 vaccination sites sa piling paaralan sa lungsod upang mahikayat ang mga estudyante at magulang na magpabakuna para may proteksyon laban sa sakit..

Facebook Comments