Nagsagawa ng biglaang inspeksyon ang Department of Public Order and Safety (DPOS) at Business Permit and Licensing Office (BPLO) ng Quezon City sa ilang restaurants sa lungsod para alamin kung nasusunod ang mga health protocol.
Unang sinuyod ng mga ito ang Shangri-La Finest Chinese Cuisine kung saan tiningnan ang mga pasilidad partikular ang kusina, palikuran, mga lamesa at maging mga empleyado.
Ayon kay Ma. Margarita Santos, Head ng BPLO, pasado sa kanilang pagsusuri ang Shangri-La Cuisine.
Samantala, maaaring padalhan ng health safety order ang mga restaurant na hindi makakasunod sa guidelines.
Ang kautusang ito ay para kunin ang atensyon ng mga may-ari ng restaurant at mga karinderya, at kung hindi pa rin tatalima ay babawian ito ng lisensya ng lokal na pamahalaan.
Bukod sa Shangri-La, tinungo rin ng mga kinatawan ng City Hall ang mga nagtitinda ng lechon sa La Loma, kung saan wala rin silang nakitang mga paglabag.