
Isinara ng Quezon City Local Government Unit o QC LGU ang isang hotel sa Barangay Novaliches Proper dahil sa pagpapasok ng mga menor de edad.
Ito ay makaraan ang isinagawang rescue operations ng QC Social Services Development Department (SSDD) at Philippine National Police District Women and Children Concern Section (PNP-DWCCS) noong June 19 kung saan 20 menor de edad ang nasagip mula sa nasabing hotel.
Sa ulat ng QC SSDD at PNP-DWCCS, pinayagan umano ng pamunuan ng MC Hotel ang mga menor de edad na pumasok at uminom ng alak doon.
Sa bisa ng ordinansa sa QC, mahigpit na ipinagbabawal ang pagpapapasok ng mga menor de edad (edad 17 pababa) sa mga establisyemento nang walang kasamang magulang o guardian, gayundin ang pagbibigay ng inuming nakalalasing sa mga ito.









