Nagkaloob ng assistance ang Quezon City government sa organizers ng BBM-Duterte UniTeam motorcade ngayong araw sa kabila ng biglang pag-atras ng request ng kampo ni AnaKalusugan Partylist representative Mike Defensor.
Sa isang statement, sinabi ng Local Government Unit (LGU) na sa kabila ng limitadong detalye sa magaganap na pagtitipon ngayong araw, naglaan ng apat na ambulansya ang LGU at nagtalaga ng mga staging area sa Liwasang Aurora.
Iginiit ng lokal na pamahalaan na handa itong makipag-ugnayan sa lahat ng mga grupong politikal na nais magdaos ng aktibidad sa lungsod para matiyak na masusunod ang minimum health protocols at hindi malagay sa peligro ang kaligtasan ng lahat lalo na at may pandemya pa.
Ikinalungkot ng lokal na pamahalaan na tila nagbago ang isip ng organizer ng motorcade at tumangging makipag-coordinate sa lokal na pamahalaan sa kabila ng pulong noong Lunes kung saan tiniyak ng lungsod ang pagpapakalat ng hindi bababa sa 1,000 pulis at tauhan ng Department of Public Order and Safety, Disaster Risk Reduction and Management Office, Task Force Disiplina at Bureau of Fire Protection.