QC-LGU, naghahanap pa ng alternatibong quarantine sites para sa COVID-19 patients

Nagpaalam na ang Pamahalaang lungsod ng Quezon sa national government para makagamit sa Ninoy Aquino Stadium o Quezon Institute bilang alternatibong quarantine sites.

Ito’y sa sandaling mapuno na sa COVID-19 patients ang dalawang HOPE quarantine facilities na itinalaga ng lungsod.

Sa ngayon, may 123 beds pa ang available o hindi pa nagagamit sa HOPE 2 Temporary Quarantine Facility sa lungsod.


At tanging ang HOPE 1 facility ang puno na at okupado ng 23 COVID-19 positive patients at 17 persons under investigation o PUIs.

Base sa huling tala ng Department of Health (DOH), nasa 764 ang confirmed cases ng COVID-19 sa Quezon City at sa kabuuang bilang, 580 ang validated cases ng QC Epidemiology and Surveillance Unit and District Health Offices.

Habang 475 naman ang naitalang active COVID-19 cases.

Nadagdagan pa ng 10 ang mga naka-recover sa sakit na ngayon ay umabot na sa 45 ang kabuuang bilang habang 60 na ang mga namatay.

Facebook Comments