Naglabas ng bagong gabay o guidelines ang Quezon City Local Government Unit (QC-LGU) para sa ginagawang pag-aresto sa gitna ng pinatinding pagpapatupad ng health measures laban sa pagkalat ng COVID-19.
Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, ginagarantiyahan ng bagong guidelines ang makatao at pantay na mga protocol sa pakikitungo sa paghuli sa mga lalabag sa quarantine measures.
Binibigyan nito ng kapangyarihan ang mga concerned office ng city government, Quezon City Police District at mga barangay para sa tama at naaayonsa batas na pag-aresto sa mga violator.
Ayon sa lady mayor, ang mga hakbang ay naaayon sa umiiral na Revised Rules of Criminal Procedure.
Ang panghuhuli ay maaaring ipatupad ng isang peace officer o pribadong indibidwalsa mga taong nakagawa, gumawa at sinusubukan pa na gumawa ng paglabag sa health-related ordinances.
Pagkatapos umano ng booking procedures sa police station, kailangan munang dalhin sa isang government hospital ang isang violator para sa medical at physical examinations bago imbestigahan.
Inatasan na ni Belmonte ang mga Barangay and Community Relations Department, Social Services and Development Department, Quezon City Health Department, pamunuan ng Quezon City General Hospital, Novaliches District Hospital at Rosario Maclang Bautista General Hospital at iba pang kinauukulan para ipatupad ang kautusan.