Naglabas ng localized guidelines ang lokal na pamahalaan ng Quezon City para sa pagdedeklara ng klase sa lungsod tuwing may bagyo, mga pagbaha at epekto ng weather disturbance.
Layon nito na magkaroon ng gabay ang mga estudyante, mga guro at school personnel na hindi na pumasok pa.
Dahil dito, maiiwasan na abutan ng pagbaha ang mga estudyante at posibleng ma-aksidente.
Batay sa Memorandum Circular No. 10 na pinirmahan ni Mayor Joy Belmonte, awtomatikong suspendido ang klase sa pampubliko at pribadong preschool at kindergarten kapag idineklara ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang Signal No. 1.
Kapag Signal No. 2 o mas mataas na babala ng bagyo, sususpendihin ang klase sa public at private preschool, kindergarten, elementary at secondary.
Kapag Signal No. 3, gagamitin ang Commission on Higher Education (CHED) Memorandum Order No. 15, series 2012, para suspindihin ang klase sa Higher Education Institutions (HEIs).
Kapag wala namang signal warnings, ang localized suspension ng classes ay iuutos ng city mayor batay sa rekomendasyon ng Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Council (QCDRRMC) at ng Division of City Schools.
Ayon pa sa kautusan, ang suspensyon ng klase sa afternoon classes ay dapat ianunsyo ng alas-11:00 ng umaga.
Sakali namang walang suspensyon ng klase pero may masamang lagay ng panahon, umaapela ang Local Government Unit (LGU) sa school officials na huwag maging mahigpit sa mga estudyanteng hindi makaka-attend ng face-to-face classes o kaya ay makasali sa online school work.