QC-LGU, pinaimbestigahan na ang nakuhanang video ng mga sidewalk vendor na pinagdadampot ng Task Force Disiplina

Pinaiimbestigahan na ng Quezon City government ang nag-viral na video kung saan mistulang nagpakita ng labis na puwersa ang mga miyembro ng Task Force Disiplina (TFD) sa pagtrato sa mga sidewalk vendor.

Pinost sa Facebook ng ilang concerned citizen ang kuhang video na nagpapakita na pinagdadampot at sapilitang isinakay sa service vehicle ng task force ang ilang ambulant vendors sa Novaliches Bayan.

Pinagpapaliwanag ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang task force upang malaman ang puno’t dulo ng insidente.


Batay sa inisyal na imbestigasyon, nagsagawa sila ng sidewalk at street clearing operation sa lugar nang pagbabatuhin ng tatlong ambulant vendors ang service vehicle ng task force.

Inanyayahan ng TFD ang tatlo na sumama para sana sa isang diyalogo pero sa halip na sumunod ay lumikha ng komosyon ang tatlo dahilan upang sila ay hulihin.

Ayon kay Belmonte, hindi nila kukunsintihin ang mga miyembro ng TFD sakaling may pang-aabuso at tiyak na titiyakin na maparurusahan ang sinumang mapatutunayang nagkasala.

Facebook Comments