Magpapaabot ng humanitarian assistance ang lokal na pamahalaan ng Quezon City sa mga lugar sa Abra at Vigan na matinding tinamaan ng magnitude 7 na lindol.
Ito’y matapos aprubahan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang isang resolusyon na nagrerekomenda na gawin ang humanitarian mission.
Maghahatid ang team ng mga camp provision tulad ng 250 partition tents, 500 na hygiene kits, 500 first aid kits at 500 COVID Kits.
Bitbit din ng team ang food at kitchen supplies para makapagbigay ng hot meals sa mga nasa evacuation centers.
Magpapadala rin ang Local Government Unit (LGU) ng team ng health workers para makapagbigay ng mental at health at psychosocial service.
Kasama rin sa team ang mga tauhan na tutulong sa pagsasagawa ng rapid damage assessment at needs analysis.
Batay sa datos ng Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Council ng Abra, mahigit 2,000 families o 5,000 individuals ang apektado habang 67 families o 235 individuals naman sa Vigan City.
Nakatakdang tumulak bukas ng madaling araw ang Team Vigan at Team Abra para sa gagawing humanitarian mission.