Tiniyak ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na i-momonitor ng lokal na pamahalaan ang presyo ng karneng baboy sa mga pamilihan sa lungsod.
Batay sa daily market report ng Quezon City Veterinary Department, itinataas ng mga retailer ng hanggang P300 kada kilo ang mga ibine-bentang pork products na malayo na sa suggested retail price na P260 hanggang P270 pesos kada kilo.
Ang pagtaas ng presyo ng baboy ay dahil anila sa kakulangan bunga ng epekto ng African Swine Fever (ASF) sa Luzon at mahigpit na shipment ng live animals mula sa Visayas at Mindanao dahil sa pandemya.
Pinakiusapan na ni Mayor Belmonte ang mga pork meat traders at retailers na iwasan ang labis na presyo o huwag mag-overprice sa pork products.
Sinabi ng alkalde na nabili pa ng mga retailers ang mga pork products sa mga supplier sa tamang presyo, kaya dapat lang aniya na ibenta rin sa tamang halaga.
Sinisiguro ng Alkalde sa mga taga-QC na babantayan ng LGU ang lahat ng palengke sa lungsod upang maprotektahan ang mga consumer laban sa mga mapagsamantalang negosyante.
Kasama ring i-momonitor ng Market Development and Administration Department ang mga pumapasok na imported at frozen meat products sa mga palengke at grocery store.