Matapos masawi ang isang 67-anyos na lalaki sa pa-birthday community pantry ng actress na si Angel Locsin, pinatitiyak ni Mayor Joy Belmonte na dapat ay walang masasaktan at siguraduhing hindi magdudulot ng hawaan ng salot na COVID-19 ang mga nagsusulputang community pantry sa lungsod ng Quezon.
Ito ang mahigpit na direktiba ni Belmonte sa Task Force Disiplina para maging ligtas at hindi mauwi sa mas matindi pang problema ang isang aktibidad na naglalayon sanang tumulong sa kapwa.
Dismayado naman si QC Task Force Disiplina Head Rannie Ludovica sa nangyaring kaguluhan sa pamimigay ng ayuda ni Angel Locsin.
Bukod aniya sa kaawa-awang senior citizen na namatay ay dalawang iba pa ang nawalan ng malay dahil sa siksikan ng nagsugurang mga tao.
Isinisisi ni Task Force Chief Ludovica sa kampo ng aktres ang malungkot na pangyayari dahil hindi man lang umano gumawa ng koordinasyon sa Barangay Anbanba.
Nasayang lang aniya ang ipinatupad na isang buwang enhanced community quarantine na puno ng mga sakripisyo para sana makontrol ang hawaan ng COVID-19 pero dahil sa dinagsang community pantry ng aktres ay maaring lomobo pa muli ngayon ang nahawaan na ng virus.
Batay sa pagtaya ni Ludovica, nasa limang libo ang bilang ng mga taong sumugod sa pamimigay ng goods ni Angel Locsin sa Holy Spirit drive pero 300-lamang pala ang kayang mabigyan at mayroon nang naipamigay na stubs in advance.
Una rito ay pinag-aaralan na ng Brgy. Holy Spirit ang pagsasampa ng kasong paglabag sa health protocol laban sa aktres na si Angel Locsin.