Itinaggi ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang paratang ni AnaKalusugan Partylist Representative Mike Defensor na hinaharang ng Local Government Unit (LGU) ang paggamit ng Bong Bong Marcos (BBM)-Sarah tandem sa Quezon City Memorial Circle (QCMC).
Sa isang pulong balitaan, ipinakita ni Belmonte ang apat na mga liham ng palitan nila ng sagot ni Defensor.
Ipinakita sa liham ng Local Government Unit (LGU) na may petsang Nobyembre 26 na pinapayagan ang request ni Defensor na magamit ang activity area ng QCMC may liham pa si Defensor na nagpapasalamat sa mabilis na aksyon ng LGU sa kanilang hiling.
Pero, muling sumulat si Defensor na gustong magamit ang Liwasang Aurora simula Disyember 6-9.
Pero dahil children zone ang lugar hiniling ng LGU na magkaroon ng pulong sa kampo ni Mike Defensor.
Ito’y upang mapag-usapan ang ipatutupad na health protocols lalupat ang Disyember 8 ay Holiday na tiyak na dadagsain ng mga bibisita sa QCMC.
Iniaalok din ng LGU ang QCMC gymnasium na mas hamak na malawak o may kapasidad na mag accommodate ng 3,000 na katao.
Gayunman, nagulat na umano si Belmonte at bigla nang nagsalita sa kaniyang Facebook (FB) page si Defensor at pinalilitaw na hinaharang nila ang aktibidad.
Ani Belmonte, walang pulitika sa desisyon nila dahil may interes na pangkalusugan silang isinasaalang alang.