Ipinaaaresto na ng Quezon City Metropolitan Trial Court si dating Senator Antonio Trillanes IV at 10 iba pa na una nang kinasuhan ng Department of Justice (DOJ) dahil sa kasong conspiracy to commit sedition.
Inilabas ang arrest warrant ng QC-MT branch 138 laban kina Trillanes, Peter Jomel Advincula alyas Bikoy na itinuturong nasa likod ng” Ang Totoong Narcolist” videos.
Tatlo sa mga akusado ang nakapaghain na ng tig-10 libong pisong piyansa.
Una nang kinasuhan ng DOJ sina Trillanes at 10 iba pa na sinasabing nagsabwatan sa pagawa ng serye ng mga videos na nag-uugnay sa Pangulong Duterte at sa pamilya nito sa illegal drug trade.
Lumabas sa imbestigasyon ng DOJ Panel, ang Bikoy videos ay ginawa ni Peter Joemel Advincula, kung saan nagsilbing narrator sa video si Joel Saracho, videographer naman si Boom Enriquez at assistant ang isang alyas “Monique”.
Nagsilbi naman daw na scriptwriters ng Bikoy videos sina Yolanda Ong at Vicente Romano III para mabuo ang storya laban sa pangulo.
Ayon pa sa panel, si Father Albert Alejo ay kasama din sa mga kinasuhan dahil ito raw ang naghanda ng Jesuit Community o JESCOM kung saan kinuhanan ang Bikoy videos.
April 2019, nang kumalat sa social media ang Bikoy videos na nagdadawit sa mga miyembro ng Pamilya Duterte, sa iligal na droga.