Hindi natuloy ngayong araw ang pagbasa sana ng sakdal laban sa suspek sa pagpatay kay dating Lamitan, Basilan Mayor Rose Furigay at sa dalawang iba pa.
May kaugnayan ito sa three counts ng murder at isang kaso ng frustrated murder laban kay Dr. Chao Tiao Yumol.
Kasabay nito, pinagbigyan ng Quezon City Regional Trial Court Branch 98 ang hirit ni Yumol na payagan siyang sumailalim sa mental health test.
Dismayado naman si Atty. Quirino Esguerra, ang abogado ng mga Furigay sa itinatakbo ng kaso.
Ayon kay Esguerra, mismong ang abogado ni Yumol ang humiling sa korte na makapagpasuri ang kaniyang kliyente sa isang mental health expert dahil nagpapakita umano ito ng sintomas ng mental disorder.
Ang korte naman ang kukuha ng doktor na mula sa National Center for Mental Health para suriin ang kondisyon ni Yumuol.
Itinakda naman ng korte na sa September 16 ang pagpapatuloy ng arraignment sa mga nabanggit na kaso.
Magugunita na kabilang sa nasawi sa Ateneo gun attack ay ang assistant ni Furigay na si Victor Capistrano at ang security guard ng Ateneo de Manila University na si Jeneven Bandiala.
Nagtamo naman ng sugat sa pamamaril ang anak ng nasawing dating alkalde na si Hannah Rose Marian Furigay.
Sa September 16, hihilingin ng abogado ng mga Furigay sa korte na magkaroon na ng arraignment, pre-trial at trial proper sa mga nabanggit na kaso.