Quezon City – Ipinagmalaki ni QCPD District Director Chief Supt. Guillermo Eleazar na unti-unti nang humihina ang operasyon ng iligal na droga sa Quezon City.
Ang pahayag ay ginawa ni Eleazar matapos maaresto ang dalawang hinihinalang tulak sa ipinagbabawal na gamot sa isinagawang buy bust operation sa kanto ng Mindanao Avenue at Congressional Road kahapon ng hapon.
Arestado sina Gladwyn Balaguer empleyado ng Department of Transportation at kanyang kasama na nagmamaneho ng sasakyan na si Joel Taruc kung saan nakumpiska sa kanila ang hinihinalang shabu na tumitimbang ng 200 gramo na nagkakahalaga ng isang milyong piso, ibat ibang klase ng ID,at isang heavily tinted na Toyota Fortuner na may plate number na WIN-18.
Ayon kay Eleazar pinangunahan ng hepe ng QCPD-DEU P/Chief Inspector Ferdinand Mendoza ang buy busy operation sa tapat ng bangko sa kanto ng Mindanao Avenue at Congressional avenue.
Paliwanag ni Eleazar tuloy-tuloy ang kanilang operasyon sa mga pinaghihinalaang tulak sa iligal na droga at hindi umano sila titigil hanggat hindi ma-neutralize ang mga drug syndicate sa lungsod.
Hinikayat din ni Eleazar ang publiko na makipagtulungan sa pulisya kung mayroon silang nalalaman na mayroong mga gumagamit ng ilegal na droga sa kanilang lugar.