QCPD, ininspeksyon ang compound sa NKTI kung saan giniba ang mga nakatayong istraktura

Ininspeksyon ni Quezon City Police District (QCPD) Director Police Brigadier General Ronnie Montejo ang mga ginibang tindahan ng bulaklak, restaurants at iba pang istraktura sa compound ng National Kidney and Transplant Institute.

Ayon kay Montejo, sa pagkakaalam niya ay ang NKTI na ang nag-mamay-ari sa compound.

Wala nang nagawa kahapon ang mga umookopa sa 3,500 square meters nang ipatupad ng Quezon City government ang demolition order.


Ayon sa NKTI, buwan pa ng Enero 2020 ng una nilang abisuhan ang mga umookopa matapos maglabas ng administrative order mula sa Quezon City Legal Division.

Panahon pa ni dating QC Mayor Ismael Mathay nang ukupahin ng mga tao ang nasabing lupain ngunit bigla na lamang silang pinalayas at gibain ang kanilang mga istraktura.

Pero ayon kay Mang Eduardo Torio, isa sa mga tenants sa NKTI compound, walang abiso na ipinarating sa kanila bago pa isagawa ang demolition.

Aminado silang hindi nila pag-aari ang nasabing lupa ngunit umaapela sila na sana ay mabigyan ng relokasyon.

Sinabi ni Dr. Noel Orpiada, head ng Task Force Copriss, magtatayo ang NKTI sa naturang lugar ng mga karagdagang Dialysis Centers.

Facebook Comments