QCPD, pinaalalahanan ang publiko na sumunod sa GCQ guidelines

Pinaalalahanan ni Quezon City Police District (QCPD) Director Police Brig. Gen. Ronnie Montejo ang mga residente sa lungsod na  hindi pa nakakabalik sa normal ang  Metro Manila kahit nasa ilalim na ito ng General Community Quarantine (GCQ).

Ibig sabihin aniya, hindi malaya ang lahat na  gumawa ng mga dating nakagawian tulad ng paglabas ng bahay para mamasyal o maghanap ng aliw.

Dagdag ni Montejo, dapat alamin ng mga residente ang mga patakaran at kailangang mahigpit na sundin upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.


Sa ilalim ng GCQ guidelines na inilabas ng QC LGU, ipinagbabawal pa rin ang pagtitipon-tipon na  nagbibigay aliw o leisure tulad ng pagdalo sa movie screenings, concerts, sporting events at iba pang entertainment activities, community assemblies at mga non-essential work gatherings.

Wala rin munang physical classes sa mga eskwelahan hangga’t wala pang bagong panuntunan ang Department of Education at Commission on Higher Education.

Ang mga eskwelahan ay pwede lamang magkaloob ng  virtual learning classes upang sa bahay makapag-aral ang mga mga bata.

Unti-unti ang gagawing pagbubukas sa public transportation alinsunod sa gabay ng   Department of Transportation .

Sa ngayon ay bumabiyahe na ang mga tren at mayroon ding augmentation buses para maghatid ng mga pasahero.

Magbibigay-serbisyo din ang taxis, Transport Network Vehicle Services (TNVs), shuttle services, point-to-point buses at bisikleta.

Palalawakin naman ng City Government ang  “Libreng Sakay” bus services nito upang maisakay ang mga residente na makarating sa kanilang pinagtatrabahuhan na pinayagang makapagbukas.

Hinikayat naman ang mga barangay na magkaloob ng free bicycle parking spaces.

Facebook Comments