Todo depensa Quezon City Police District (QCPD) ngayong may alegasyong tinutulugan lang nila ang problema ng iligal na sugal sa kanilang nasasakupan.
Reaksyon ito ni Quezon City Police District (QCPD) Chief Police Brigadier General Ronnie Montejo sa pagkastigo sa kaniya ni Gamboa sa isang panayam sa radyo kung saan pinagbantaan siyang sisibakin sa puwesto kung hindi masosolusyunan ang problema sa loob ng tatlong buwan.
Sa pulong balitaan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Kamuning, Quezon City, inilatag ng opisyal ang kanilang mga nagawa kung saan, nakapagkasa sila ng kabuuang 673 operasyon nuong isang taon.
Mula sa nasabing bilang, 1,845 ang naaresto ng QCPD na sangkot sa iligal na sugal kung saan, nasa 586 dito ang sinampahan ng kaso at aabot sa 335, 817.50 pisong halaga ng mga taya ang kanilang nasamsam.
Sa pagpasok ng bagong taon, sinabi ni Montejo na mayroon na silang 59 na ikinasang operasyon kung saan, 128 dito ang naaresto, 40 ang nasampahan ng kaso at mahigit sa 20,000 ang kanilang nasabat.
Paliwanag naman ni NCRPO Chief P/MGen. Debold Sinas, may nakararating na impormasyon kay Gamboa hinggil sa mga iligal na aktibidad tulad ng sugal sa Quezon City na nagkataong nagpositibo naman.
Kaya at iginiit ni Montejo, tatalima lang sila sa kung ano ang ini-utos sa kanila at mariing itinanggi nito ang mga naging bintang laban sa kaniya.