Nagtakda ang Department of Health (DOH) ng quadranting system sa Metro Manila para sa mga pasyenteng kailangang magdialysis pero nagpositibo sa COVID-19.
Sa presscon sa Malacañang, sinabi ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire na bahagi ito ng tugon ng kagawaran sa mga dialysis patients na tinamaan ng COVID-19 at hirap makahanap ng dialysis center na tatanggap sa kanila.
Ayon kay Vergeire, ipinatawag nila kamakailan ang network of hospitals at ilang piling dialysis centers para sa bagong sistemang ipatutupad.
Sa nasabing sistema, nagtakda sila ng apat na bahagi ng National Capital Region na pwedeng puntahan ng mga pasyenteng kailangang mag dialysis at positibo sa COVID-19.
Ito aniya ay para hindi dagsain ng dialysis patients ang National Kidney and Transplant Institute (NKTI) kundi may mapupuntahan silang ibang dialysis centers na malapit sa kanilang lugar.
Samantala, sinabi pa ni Vergeire na nagpadala na rin sila ng komunikasyon sa Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth para magamit ang packages sa COVID-19 patients na nagpapa-dialysis.