Quarantine Control Points sa Metro Manila, ininspeksyon ni PNP Chief General Archie Francisco Gamboa

Isa-isang ininspeksyon ni Philippine National Police (PNP) Chief General Archie Francisco Gamboa ang mga pangunahing Quarantine Control Points sa Metro Manila kaninang umaga.

Ginawa ito ng PNP Chief para makita kung naipapatupad ng tama ang Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Unang nagtungo si PNP Chief sa NLEX sa Valenzuela at umikot sa Quezon City, Maynila, Makati at iba pang quarantine checkpoint sa Metro Manila.


Sa panayam naman kay Gamboa, sinabi nito na importante ang public health dahil ito’y national interest kaya maaring napapasok maging ang privacy ng isang indidbidwal kapag inaalam ng pulis ang personal na impormasyon ng isang tao lalot kung motorista dahil natutukoy dito ang pakay sa pagbiyahe.

Samantala, kinampihan naman ni PNP Chief ang mga pulis na binabastos ng mga nasisitang ECQ violators matapos ang ginawang pambabastos ng isang banyaga sa isang pulis sa Dasmarinas Village sa Makati City.

Sinabi ng opisyal, respetuhin ang mga pulis lalo’t nakasuot ng uniporme ang mga ito at magalang na naninita ng mga lumalabag.

Giit ni Gamboa, kung susunod ng maayos ang violators at hindi papalag sa mga pulis walang  mangyayaring pag-aresto.

Facebook Comments