Quarantine Facility sa Tabuk City, Pinagbabaril

21

Cauayan City, Isabela-Pinagbabaril ng hindi pa matukoy na gunman ang harapan ng isang hotel kung saan nakabantay sa isang quarantine facility ang mga medical frontliners ng Kalinga Provincial Hospital sa isang quarantine facility pasado alas-syete kagabi sa Tabuk City, Kalinga.

Ayon sa mga saksi sa insidente, sakay ng isang motorsiklo at nakasuot ng sweat shirt ang suspek na makailang beses na binaril ang harapan ng hotel subalit bigo ang mga ito na makilala ang namaril dahil sa suot na helmet.


Lumalabas sa paunang imbestigasyon ng pulisya, agad na tumakbo ang mga quarantine personnel sa loob ng hotel habang nagaganap ang pamamaril sa lugar.

Base sa salaysay ng iba pang saksi, imbes na tumakas ang suspek ay nagtungo pa ito sa isang malaking grocery store katabi ng hotel bago tuluyang umalis sa pinangyarihan ng insidente.

Narekober naman sa crime scene ang apat (4) na basyo ng bala ng caliber 45 na isasailalim sa ballistic examination.

Patuloy naman na inaalam ng mga awtoridad ang motibo sa pamamaril at kung sino ang naturang suspek.




Facebook Comments