Base sa datos na nakalap ng grupong Save The Children Philippines, nagkaroon ng epekto ang quarantine measures na ipinatupad sa bansa sa mga children with disabilities at sa kanilang pamilya.
Ito ang inilahad ni Save The Children Philippines Basic Education Adviser Sierra Mae Paraan sa pagdinig ng Committee on Basic Education, Culture and Arts na pinamumunuan ni Senator Sherwin Gatchalian ukol sa edukasyon at mga panukalang batas para sa mga batang may special needs.
Sa survey na isinagawa ng grupo na may 40,066 respondents ay lumitaw na kabilang sa epektong ito ang pagkaputol ng pag-aaral ng nabanggit na mga bata bukod sa naudlot din na pagpunta nila sa mga development centers at rehabilitation centers.
Nadagdag pa sa problema ang kanilang mga magulang na nawalan ng trabaho habang ang mga bata ay nawalan din ng access sa health clinic service.
Sa pagdinig ay nabanggit din na 25% sa kanilang na-survey na mga children with disabilities ang dumanas ng verbal at emotional abuse sa mga panahong umiiral ang lockdown.
Sa hearing ay nabanggit din ang positibong idinulot ng pandemya at ito ay ang pagkaaroon ng pagkakataon na subukan ang Individualized Education Plan (IEP) na ginagamit na rin sa ibang bansa.
Binanggit naman ng Department of Education (DepEd) na bumabalangkas na ito ng Learning Continuity Plan para sa special education.