Matapos makatanggap ng tawag mula sa Department of Health ay agad na binawi ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Unit ang unang anunsyo ni Mayor Joy Belmonte na mayroon nang kaso ng Brazilian variant ng COVID-19 sa lungsod ng Quezon.
Sa panayam kay QC CESU Head Dr. Rolly Cruz, hindi ito ang variant concern na Brazilian kundi lineage lamang ng Brazil variant.
Tumutugma na ito sa paglilinaw na inihayag ng Department of Health.
Pero batay sa huling tala ng Philippine Genome Center ay mayroon nang 13 kaso ng UK at 4 na African variant ng COVID-19 sa lungsod.
Dahil dito ay isinasagawa na ang mas pinaigting pang contact tracing ng lungsod.
Ayon kay Mayor Joy Belmonte, mula sa 12 lugar kung saan ipinatutupad ang special concern lockdown ay mayroon pang tatlong barangay na nag-abiso nang magla-lockdown sa ilang bahagi sa kanilang nasasakupan.
Pinag-aaralan na rin aniya ng lungsod ang pagsasagawa ng mas marahas na hakbang para labanan at paghandaan ang mabilis na hawaan ng COVID-19 sa QC.
Batay sa huling rekord ng City Health Department, mayroong 2100 ang bilang ng active cases sa lungsod mula sa mahigit 800 lamang sa kalagitnaan ng buwan ng Pebrero.