Pinayuhan na ng Quezon City Government ang lahat ng empleyado na gumawa ng mga pag-iingat upang maiwasan ang pagkalat ng 2019 Novel Coronavirus (2019-nCoV).
Kailangan ang mga empleyado mismo ang gumawa ng mga hakbang para protektahan at hindi makumpromiso ang kanilang kalusugan ngayong nakapasok na sa bansa ang coronavirus.
Partikular ding tinukoy ni Ronald Tan, Officer-In-Charge ng Quezon City Human Resource Management Department ang mga Local Government Employees na bumiyahe sa abroad.
Tinukoy din sa inilabas na memorandum na kailangan ding tiyakin ng Quezon City employees na lahat ng kanilang kinakaing pagkain ay naaayon sa hygienic standards at naluto ng mabuti lalo na ang karne at isda.
Kung sakali namang nakumpirma na may nCoV cases ang sinumang Quezon City employees na umuwi mula sa ibang bansa, hinimok ang mga ito na magpasailalim sa self-quarantine sa loob ng 10 araw.
Obligado na rin na maglagay ng liquid sanitizers sa iba’t-ibang lugar sa City Hall para magamit ng mga empleyado.
Una nang bumuo ang City Government ng Task Force na magmo-monitor ng mga kaso ng 2019-nCoV, alinsunod sa direktiba ng Department of Interior and Local Government o DILG.