Nakipag-partner na ang Quezon City Local Government Unit sa Project Ark para mapabilis pa ang rapid testing sa ilang barangay.
Ang Project Ark ay isang private sector initiative na layong salain at tukuyin ang mga may COVID-19 sa mga residente sa ilang barangay.
Nakatanggap na ang lokal na pamahalaan ng 3,800 Rapid Antibody-Based Diagnostic Test o RDT kits bilang bahagi ng proyekto.
Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, nakapagsagawa na ng 1,500 rapid test sa apat na barangay sa lungsod.
Kinabibilangan ito ng Immaculate Concepcion, Kristong Hari, Kalusugan at Doña Aurora.
Napiling pilot areas ang naturang mga barangay base sa dami ng populasyon at bilang ng nagpositibo sa COVID-19 sa kanilang lugar.
Pasok din ang naturang mga barangay sa ‘hospital belt’ ng lungsod na tumatanggap na ng mga COVID-19 patients.
Mula sa 1,500 na residente na sumailalim sa rapid testing, 1.2% ang nagpositibo.
11 lugar na itinuturing na nasa special concern lockdown sa limang barangay ay sumailalim na rin sa tests gamit ang 4,000 RDT kits.
Kabilang dito ang Sitio Militar sa Brgy. Bahay Toro; Vargas Compound-Adelfa Metro Heights-Abanay at ANCOP Canada sa Brgy. Culiat; Lower Gulod sa Brgy. Sauyo; 318 Dakila St., 2nd Alley Kalayaan B at Masbate St. sa Brgy. Batasan Hills; at Victory Avenue, ROTC Hunters, BMA Avenue at Agno St. sa Brgy. Tatalon.