Quezon City LGU, pinapaimbestigahan na ang riot sa QC Jail male dormitory na ikinasawi ng isang preso at ikinasugat ng siyam na iba pa

Pinaiimbestigahan na ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang nangyaring riot sa pagitan ng magkaribal na gang sa Quezon City Jail kung saan isang preso ang nasawi at siyam ang nasugatan.

Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, inatasan na niya ang Quezon City Police District (QCPD) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa nasabing insidente na naganap nitong Biyernes ng hapon.

Aniya, kailangang maparusahan ang mga nagpabaya sa kanilang tungkulin kung mayroon man para hindi na maulit pa ang ganitong pangyayari.


Giit ni Belmonte, kailangan ng muling pag-aralan ng BJMP ang mga protocol ng seguridad nito para maiwasan ang mga ganitong insidente na mangyari sa hinaharap.

Nauna nang sinabi ng Hepe ng BJMP NCR Regional Community Relations na si J/Sr. Insp. Midzfar Omar na ang riot ay nangyari sa pagitan ng mga grupong Bahala na Gang, Batang City Jail, at Sputnik.

May mga sumpak aniya sa loob ng kulungan at isa iyon sa mga ginamit ng nag-away ng mga grupo.

Gayunman, nilinaw ni Omar na ginawa lang sa loob ng kulungan ang mga improvised weapon at hindi galing sa labas.

Facebook Comments