Quiapo Church, dinagsa ng mga deboto ngayong unang Biyernes ng Agosto

Sa kabila ng masamang lagay ng panahon, muling dinagsa ng mga deboto ang simbahan ng Quiapo ngayong unang Biyernes sa buwan ng Agosto.

Mula sa bahagi ng Carriedo hanggang sa Plaza Miranda ay nag-abang sa pila ang mga deboto para makapasok sa loob ng nasabing simbahan.

Bukod sa mga Hijos del Nazareno at mga tauhan ng Manila Police District (MPD) Station-3, tumutulong na rin ang ibang force multipliers mula sa mga barangay na nakakasakop sa Quiapo.


Bantay sarado rin ng mga awtoridad ang paligid ng Quiapo lalo na’t ipinagbabawal na ang pagtitinda at pagpaparada ng sasakyan dito sa ilalim na rin ng Executive Order No. 15 na ipinapatupad ng lokal na pamahalaan ng Maynila.

Nagtalaga naman ng mga “pay parking” para sa mga nagsisimba na may mga dalang sasakyan kung saan hindi naman ito nakakaistorbo sa daloy ng trapiko.

Sa kabila ng pagdagsa ng mga deboto, sinisikap pa rin na maipatupad ang ilang mga patakaran sa minimum health protocols kontra COVID-19 para maiwasan ang hawaan nito.

Facebook Comments