Quiapo Church, naka-lockdown matapos magpositibo ang isang pari

FILE PHOTO from Facebook/Quiapo Church

MAYNILA – Isinailalim sa lockdown ang simbahan ng Quiapo matapos magpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang isang pari rito.

Nag-umpisa ang lockdown noong Hunyo 19 at tatagal hanggang Hulyo 14, ayon sa parochial viar ng simbahan na si Fr. Douglas Badong.

Sa isang panayam, sinabi ni Badong na nasa Mindanao na ang pari nang madiskubreng tinamaan siya ng nakahahawang sakit.


Halos tatlong buwan daw itong nanatili sa simbahan dahil naabutan ng ipinatupad na community quarantine noong Marso.

Nang pahintulutan ng InterAgency Task Force (IATF) ang pagbiyahe, umuwi na siya sa Mindanao noong Hunyo 13 at doon natuklasang tinamaan ng virus.

Dagdag ni Badong, pumunta ang paring may COVID-19 sa Cagayan de Oro City.

Bagama’t negatibo ang resulta isinagawang rapid test sa kanila, hindi pinalalabas ng pamunuan ang mga kawani at pari ng Quiapo Church bilang precautionary measures kontra sakit.

Maliban dito, bawal din muna dumalo sa misa at pumasok sa loob ng simbahan ang mga tao.

Facebook Comments