Pinabulaanan ng kampo ni Pastor Apollo Quiboloy ang akusasyong rape, child abuse at human trafficking na inihain ng isang dating miyembro ng Kingdom of Jesus Christ (KJC).
Inireklamo ni Blenda Portugal noong Biyernes si Quiboloy at limang iba pa — Jackielyn Roy, Cresente Canada, Paulene Canada, at Ingrid Canada — ng pang-aabusong sekswal at sapilitang paggawa.
Sinabi ni Atty. Israelito Torreon, legal counsel ni Quiboloy, sa press briefing noong Biyernes din na bahagi aniya ito ng “grand conspiracy” para pabagsakin ang pastor.
Ganti umano ito ni Portugal sa kasong libel na isinampa sa kanya ni Quiboloy noong 2010 kaugnay ng umano’y paninira sa pastor sa social media.
Nito lang Abril ngayong taon, naglabas ng arrest warrant laban sa naturang babae, ayon kay Torreon.
Umapela rin sa publiko ang abogado na huwag husgahan si Quiboloy dahil totoo raw ito sa kanyang misyon.
Sa affidavit, sinabi ni Portugal na naganap ang umano’y panghahalay noong Setyembre 2014 sa loob ng Maria College Compound.
Nangyari raw iyon noong 17-anyos pa lamang umano siya at nagsisilbi pa sa simbahan ng pastor.