Quo warranto petition ni Calida laban sa ABS-CBN, ibinasura ng Korte Suprema

Ibinasura ng Korte Suprema ang inihaing petisyon ni Solicitor General Jose Calida laban sa ABS-CBN Broadcasting Corporation dahil ang isyu ay maituturing “moot and academic.”

“I was able to confirm with Chief Justice Peralta that the Supreme Court dismissed today during their En Banc meeting the Quo Warranto petition filed by the Solicitor General against ABS CBN Corporation on the ground of mootness,” saad ni SC spokesperson Brian Keith Hosaka nitong Martes.

Magugunitang nagsampa ng petisyon si Calida noong Pebrero upang ipawalang-bisa ang prangkisa ng istasyon bunsod ng iba’t-ibang mga paglabag kagaya ng iligal na pay-per-view at foreign ownership.


Ipinahinto ng National Telecommunications Commission (NTC) ang broadcasting operations ng Kapamilya network noong Mayo 5 dulot ng kawalan ng karampatang prangkisa.

Isang araw bago ilabas ng NTC ang cease and desist order, napaso na ang license to operate ng kompanya noong Mayo 4.

Hanggang ngayon ay dinidinig sa Kongreso ang panukalang magpapalawig sa operasyon ng media and entertainment network.

Sa kabila nito, nananatili pa rin ang quo warranto petition laban sa subsidiary na ABS-CBN Convergence Inc.

Facebook Comments