Manila, Philippines – Naniniwala si Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo na tama lang na pinaboran ng mayorya ng mga mahistrado ng Korte Suprema ang Quo Warranto Petition na inihain laban kay dating Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ayon kay Panelo, napatunayan lang sa naging botohan ng mga mahistrado na iligal ang pagpapaupo ni Sereno bilang punong mahistrado matapos italaga ni dating Pangulong Noy-Noy Aquino.
Ipinaliwanag pa ni Panelo na mangyayari lamang ang Senate Impeachment kung sa simula pa lamang ay wala nang kuwestiyon sa pagkakatalaga ni Sereno o ng isang Supreme Court Chief Justice.
Ngayon aniyang mismong mga kasama ni Sereno ang nagtanggal sa kanya sa Korte Suprema ay wala nang saysay pra ipagpatuloy pa ang impeachment proceedings laban kay Sereno.
Nanindigan din naman si Panelo na walang kinalaman si Pangulong Rodrigo Duterte sa Quo Warranto Petition na isinampa laban kay Sereno dahil ito ay inisyatibo ni Solicitor General Jose Calida.