Manila, Philippines – Welcome sa Pambansang Pulisya ang isinusulong na panukala ni Senate President Vicente Tito Sotto III na amiyandahan ang umiiral na Republic Act 9344 o Juvenile Justice Welfare Act
Ayon kay PNP Chief Dir/Gen. Oscar Albayalde, kumukuha na lamang sila ng inputs mula sa iba’t ibang Police Regional Offices sa buong bansa gayundin sa PNP Legal Services hinggil dito.
Layon ng nasabing panukala na ibaba sa edad Trese mula sa kasalukuyang 16 anyos ang maaaring parusahan ng batas sakaling makagawa ang mga ito ng krimen.
Kung tutuusin aniya, hindi lang ang Pilipinas ang may pinakamababang edad ng mga batang maaaring parusahan ng batas.
Halimbawa aniya angNorth Carolina sa Amerika, edad Anim na taong gulang ang pinakabatang maaaring patawan ng parusa sa ilalim ng kanilang batas, Pitong taong gulang naman sa Maryland, Massachusetts at New York habang Walong taong gulang naman sa Arizona.
Matatandaang nagviral kamakailan sa social media ang mga kabataang lulong sa rugby at nambugbog ng isang security guard matapos mahuling nagnanakaw ang ilang kasamahan nito.
Gayundin ang mga batang hamog sa Macapagal Avenue na nambibiktima ng mga pasahero ng isang multicab matapos na hindi bigyan ng limos.
Ayon kay Albayalde, tumitigil aniya ang mga batang hamog sa pag-atake kapag nakikitang may nakaposteng pulis tulad ng ginawa nila sa EDSA Guadalupe.
Kasunod nito, umapela si Albayalde sa publiko na ipagbigay alam sa kanilang mga himpilan ang mga lugar kung saan may namamalaging batang hamog upang magawan ng aksyon.