Sunud-sunod na ang out-of-town visit ng Radyo Trabaho team ng DZXL RMN Manila sa hangaring palawakin pa ang paghahatid ng serbisyo publiko at maipaabot ang tulong lalo na sa mga naghahanap ng trabaho sa labas ng Metro Manila.
Nitong Biyernes lamang (March 8) ay naging mabunga ang pagpupulong ng RT team sa Lipa City Public Employment Services Office (PESO) sa pangunguna ni PESO Manager John Toledo.
Ayon kay Manager Toledo – malaking tulong ang hatid ng Radyo Trabaho sa kanyang tanggapan lalo na sa paghahatid ng impormasyong ito sa mga mamamayan ng Lipa.
Dalangin nila na magkaroon na sila ng kanilang sariling opisina, bagay na umuusad na umano ang kanilang request for instutionalization ng city PESO.
Nangako naman ang Radyo Trabaho team na gagawin nito ang lahat upang mas mapalawak pa ang paghahatid ng mga job opportunities para sa mga taga-Lipa kung saan, maraming mga vacancies ang dumarating sa kanilang tanggapan dahil sa iba’t-ibang industriyang maari nilang pasukan.
Ngayong araw (March 11), susugod naman ang RT team sa PESO office ng pamahalaang lungsod ng Bacoor sa Cavite.