Radyo Trabaho team, binisita ang tanggapan ng DOLE; Sec. Bienvenido Laguesma, nagpasalamat sa mga naitulong ng Radyo Trabaho sa publiko

Binisita at nag-courtesy call sa mismong tanggapan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang buong team ng DZXL Radyo Trabaho kay Secretary Bienvenido Laguesma.

Dito ay inilatag ng Radyo Trabaho team ang mga plano, programa at mga hakbang na ginagawa ng ating himpilan upang makatulong na makapagbigay trabaho sa publiko.

Maging ang pakikipag-ugnayan ng Radyo Trabaho sa iba’t ibang Public Employment Service Office (PESO) sa tuwing may proyekto o programa ay atin din ipinaalam sa mismong kalihim ng DOLE.


Matatandaan na naikot at nakausap na ng Radyo Trabaho team ang lahat ng PESO Office sa National Capital Region (NCR) kung saan ang mismong tanggapan ng DOLE ang huling napuntahan.

Isa-isa ring nakita ni Secretary Laguesma ang mga nagawa ng Radyo Trabaho team maging ang mga parangal na nakuha ng ating himpilan na ikinatuwa naman ito ng kalihim.

Ang mga nakalatag naman na programa at proyekto ng DOLE ay ibinahagi ni Secretary Laguesma partikular ang nalalapit na job fair sa December 1, 2022 kung saan target nila na matulungan na magkatrabaho ang mga nagtapos ng K to 12.

Napansin kasi ng kalihim na karamihan sa mga nakatapos ng K to 12 ay hirap na makahanap ng trabaho kung kaya’t nais nila itong mabigyan ng trabaho bago matapos ang taon.

Facebook Comments