Lal-lo, Cagayan – Nagresponde ang Rescue 35 sa isang rider na aksidenteng natumba sa kahabaan ng Bangag, Lal-lo, Cagayan sa araw ng biyernes santo, alas dyes y medya ng umaga, March 30,2018.
Sa impormasyong ibinahagi sa RMN Cauayan ni Police Senior Inspector Jahondry Casauay Deputy COP ng PNP Lal-lo, nakilala ang rider na si Roberto Opulencia Maglinao, kwarentay uno anyos, negosyante, residente ng Anlog, Calamba, Laguna.
Sa naging imbestigasyon nabatid na hindi umano nakontrol ni Maglinao ang manibela ng motor dahil sa madulas na daan sanhi ng ulan kung kayat aksidente itong natumba sa kahabaan ng Bangag National Highway.
Hindi naman nagtamo ng malalang sugat si Maglinao ngunit itinakbo parin ito sa Medico De Dios Hospital ng Camalaniugan, Cagayan para sa karampatang lunas samantalang ang Kawasaki 650 ay dinala pansamantala sa himpilan ng pulisya para sa karagdagang disposisyon.
Samantala hapon ng biyernes santo ay lumabas din si Maglinao sa ospital at kinuha rin ang kanyang motor na ayon sa PNP Lal-lo ay patungong Ilocos ang rider dahil may mga kasamahan umano ito na nauna na sa Ilocos.